Binigyang-diin ni Senate committee on labor, employment and human resources development, chairperson, Sen. Joel Villanueva na nanatili pa ring mabigat na suliranin ng bansa ang unemployment at underemployment.
Sa kabila ito ng pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho sa 3.1% noong Hunyo mula sa dating 4.1% noong Mayo, 2024.
Aniya, kahit lumiit ang bilang ng mga unemployed, mahalaga pa ring tingnan ang underemployment na mula 9.9% ay naging 12.1%.
Pangunahing problema kasi rito ang job-skills mismatch at kalidad ng trabaho, kung saan ang ilang napapasukan ay pang contractual lamang.
Kaugnay nito, iginiit niyang marapat na pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagresolba rito upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga empleyado.
Una rito, isa sa mga isinisulong na batas sa Senado ang enterprise-based education and training (EBET) framework act na naglalayong palaguin ang kakayahan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng training, apprenticeship at upskilling.
Habang may mga panawagan naman sa employers na tanggapin ang mga K-12 graduates sa trabaho, lalo na kung kakayanin naman ng mga aplikante ang nature ng gawain na kaniyang papasukin.