-- Advertisements --

Ibinunyag ng Department of Labor and Employment-7 na bumaba sa 5.2% ang unemployment rate sa Central Visayas sa huling quarter ngayong taon mula sa 5.8% sa kaparehong period noong nakaraang taon.

Ito ang inanunsyo ni Department of Labor and Employment-7 Director Lilia Estillore sa isinagawang presscon kahapon, Disyembre 1, kasabay ng 90th founding anniversary ng ahensya.

Sinabi pa ni Estillore na posibleng ito’y dahil nagsimula ng makarekober mula sa pandemya kaya nakitaan din ng pagpalit ng setup sa mga trabaho gaya ng pagdami pa ng nakahanap ng online jobs at work-from-home.

Nananatili pang isang hamon ang sitwasyon sa kalusugan at seguridad ng mga manggagawa sa kabila ng work-from-home arrangement.

Umaasa naman si Estillore na bumuti ang employment rate ng rehiyon at mabawasan ang unemployment dito sa pamamagitan ng kanilang mga aksyon at ng pamahalaan para tugunan ito.

Samantala, ibinida naman ng kagawaran ang kanilang mga plano para sa susunod na taon gaya ng seminar at programa kabilang ang livelihood programs para sa displaced workers, special program for employment para sa mga working students, at koleksyon ng pananaw ng mga employer sa uri ng manggagawang kanilang gusto at ayaw.

Pinaalalahanan naman nito ang mga employer na dapat ipamahagi ang 13th-month pay para sa mga empleyado nang hindi lalampas sa Disyembre 24.

Binigyang-diin nito na hindi dapat limitahan sa 8 oras lamang ang basic pay kundi kasama rin ang overtime.