-- Advertisements --

Pumatak sa pinakamababang antas ang pinakahuling naitalang unemployment rate sa Pilipinas.

Ito ay mula nang magsimula ang pandemya sa bansa at sa gitna na rin ng kaliwa’t kanang paghihigpit na ipinatutupad ng pamahalaan bilang pag-iingat sa panganib na maaaring idulot nito lalo na noong kasagsagan ng Omicron surge noong Enero.

Sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 2.93 milyon o may katumbas na 6.4% na unemployment rate na lamang ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa unang buwan ng taong ito.

Mas mababa ito kumpara sa dating 6.6% unemployment rate na unang naitala noong Disyembre, na lubhang mas mababa naman kumpara sa 8.8% na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Kasabay ng pagbaba ng bilang ng mga indibidwal na walang trabaho ay ang pagbaba rin ng labor force participation rate sa 60.5% mula sa dating 65.1%.

Taliwas dito ay nakitaan naman ng bahagyang pagtaas ang antas ng underemployment rate sa bansa mula sa dating 14.7% na ngayo’y nasa 14.9%.

Mayroong bahagyang pagtaas din sa antas ng employment rate sa Pilipinas kung saan ay nakapagtala ang PSA ng 93.6% noong Enero, mula sa dating 93.4% na naitala naman noong Disyembre.

Samantala sinabi naman ng National Economic and Development (NEDA) na ang pagbaba ng lower levels ay nangangahulugan ng karagdagang P10.8 bilyon kada linggo ng aktibidad sa ekonomiya para sa bansa at 195,000 na mas mababa ang walang trabaho sa susunod na quarter, kumpara sa Alert Level 2.
Top