Tiniyak ng United Nations High Commissioner for Refugees na mabibigyan ng nararapat na psycho-social counselling ang lahat ng mga refugees at asylum seekers na lumikas mula Ukraine dahil sa patuloy na Russian invasion.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Maria Ermina Valdeavilla-Gallardo, pinuno ng National Office ng United Nations High Commissioner for Refugees sa Pilipinas, sinabi nito na maliban sa materyal na pangangailangan ng mga refugees, mahalaga aniya na mabigyan din ng pansin ang trauma na dulot ng kaguluhan sa Ukraine.
Ayon pa kay Gallardo, ang UNHCR bilang isang protection agency,ay may mga volunteers na nagbibigay ng debriefing sa mga refugees.
Sa ngayon ayon kay Gallardo, handa ang kanilang tanggapan at mga tauhan oras na matuloy at masimulan ang pagtanggap ng Pilipinas sa mga refugees.