Binigyang-diin ng Malacañang na nagpapatunay na gumagana ang justice system sa Pilipinas ang naging report ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) kagunay sa anti-drug war ng Duterte administration.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ipinapakita ng pahayag ni Sec. Guevarra na seryoso ang gobyerno sa pag-iimbestiga at pagpapanagot sa mga law enforcers na nagkasala o may kapalpakan sa operasyon laban sa iligal na droga.
Ayon kay Sec. Roque, ang gumaganang domestice legal system ay rason para hindi dapat manghimasok ang ibang institusyon.
Iginiit ni Sec. Roque na dapat bigyang pagkakataon ang ating legal system lalo pa’t mismong ang Secretary of Justice (SOJ) na mismo ang nagpapakita ng transparency at open-mindedness sa nasabing usapin.
“Itong naunang pahayag ng ating Secretary of Justice ay nagpapatunay na seryoso po tayo sa obligasyon po natin na mag-imbestiga at maglitis dahil hinaharap po natin ang katotohanan na posible po na may ilang mga alagad ng batas na kinakailangan sigurong managot sa batas dito sa Pilipinas,” ani Sec. Roque.
“That proves that our domestic legal system is working at hindi po dapat manghimasok ang ibang institusyon. Bigyan po natin ng pagkakataon ang ating mga legal system na gumana ngayong may ganyan na pong transparency at openmindedness sa parte po ng no less than, our Secretary of Justice.”