ROXAS CITY – Nagpalabas ng official statement ang Capiz State University (CAPSU) sa pagkamatay ng isa nilang estudyante na si Cristelyn May Villance, 2nd year criminology student ng CAPSU Dumarao Campus noong Mayo 14.
Pirmado ang official statement ni Dr. Editha Alfon, CAPSU president na ipinadala sa Bombo Radyo.
Layunin nito na mabigyang linaw ang kumakalat na isyu na nangyari diumano ang aksidente sa motorsiklo dahil sa paghahanap ng internet ng biktima para maisumite ang kanyang requirements online.
Paglilinaw ng naturang paaralan na matapos nilang suriin ang record ni Villance, nalaman na nakasumite na ito ng lahat ng kaniyang requirements noon pang Abril 27 at 29, 2020 bago pa man mangyari ang aksidente.
Dahil dito ay umaapela ang naturang paaralan sa publiko na tigilan na ang pagsisisi sa paaralan at maging sa mga guro nito dahil wala umano silang kinalaman sa pagkakamatay ng biktima.
Nagpaabot rin ito ng pakikiramay sa pamilya ng namatay na estudyante.