Isinusulong ng grupo ng mga guro sa Metro Manila na ipatupad ng gobyerno ang suspensyon ng klase sa buong rehiyon sa tuwing naglalabas ang weather bureau ng mga mapanganib na babala sa init.
Ito ay matapos kanselahin ng ilang local government units (LGUs) ang face-to-face classes nitong Lunes habang ang iba ay nagpatuloy sa in-person classes.
Kaugnay nito, nananawagan ang National Capital Region chapter ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) para sa awtomatikong sistema ng suspensyon ng klase sa buong rehiyon.
Ayon naman kay Jim Lester Beleno, tagapagsalita ng TDC’s Metro Manila chapter na ang blanket suspension base sa unified regional scheme ay magaalis sa pagkakaiba sa pagpapatupad ng class suspension at titiyakin nito ang pare-parehong pagtugon na inuuna ang kaligtasan ng lahat.
Nitong Lunes nga, humigit-kumulang kalahati lamang ng 17 LGU sa rehiyon ang nagsuspinde ng in-person classes bilang tugon sa pagtaya ng weather bureau sa mapanganib na heat index.