-- Advertisements --

Nilinaw ng Philippine pharmaceutical company na Unilab na hindi nito pinipigilan ang mga stock ng ilang mga gamot at pagtaas ng mga presyo nito sa gitna ng pagtaas ng demand nito sa Pilipinas.

Sinabi ng Unilab na ang pagtaas ng demand sa mga gamot para sa trankaso ang naging sanhi ng pansamantalang pagka-ubos ng mga suplay nito sa ilang mga lugar sa bansa.

Dagdag pa ng kumpanya na patuloy silang gumagawa at sa katunayan ay nadagdagan pa ang dami ng manufacturing ng mga produktong ito upang matugunan ang pangangailangan ng taumbayan.

Hinikayat din nito ang lahat ng Pilipino na iwasan ang pagtangkilik at pagpapakalat sa mga fake news upang hindi ito magdulot ng panic at pagkabalisa sa publiko.

Magugunitang sa unang bahagi ng linggong ito ay nilimitahan ng gobyerno ang pagbili ng paracetamol at ilang mga gamot para sa trangkaso para maiwasan ang “artificial shortages” at pagtaas ng presyo nito.