ILOILO CITY – Patuloy na umaapela ang United Nations- High Commissioner for Refugees (UNHCR) sa mga Pilipino na magpaabot ng monetary support para sa mga refugees at sa lahat ng apektado ng krisis sa Ukraine kasunod ng paglusob ng Russia.
Sa rekord ng United Nation’s Refugee Agency, nasa 1.3 million Ukrainians na ang nakalikas mula sa naturang bansa mula nang isinagawa ang Russian invasion noong Pebrero 24.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay UNHCR Philippines Head of National Office Maria Ermina Valdeavilla-Gallardo, sinabi nito na nangangailangan ang mga refugees ng pagkain, damit, tubig, sleeping bags, at maging mga laruan na makapag-bigay comfort sa mga bata na nawalan ng tirahan.
Ayon kay Gallardo, may mga booths ang refugee agency ng UN sa mga mall kung saan pwede maipaabot ang tulong sa pamamagitan ng local fund raisers.
Bukas rin ang UNHCR sa pagtulong sa mga asylum seekers.
Maari umanong lumapit sa Department of Justice (DOJ) o pumunta sa Bureau of Immigration – Field Offices na siyang mag-ta-transmit ng application sa DOJ.
Ito ay kasunod ng paglagda ni Presidente Rodrigo Duterte ng Executive Order No. 163 noong Pebrero 28 na bumuo rin Inter-Agency Committee on the Protection of Refugees, Stateless Persons and Asylum Seekers, kung saan nakaupo bilang chairperson si Justice Secretary Menardo Guevarra.