Mas lalo pang tumitindi ang epekto ng coronavirus pandemic hindi lamang sa ekonomiya ng Estados Unidos ngunit pati na rin sa mamamayan ng naturang bansa.
Ayon sa Labor Department ng Amerika ay mas dumami pa ang bilang ng unemployment claims na kanilang natatanggap dahil lubos din na naapektuhan ang hospitality and food service industries.
Pumalo na umano sa 3.3 million Americans ang nag-file ng initial application para sa unemployment benefits ng mga ito.
Ang nasabing bilang ay higit pa sa inaasahan ng mga economists na 1.5 million claims.
Dahil din sa pandemic ay napilitang magsara ang mga restaurants, malls, movie theaters, sports arena at iba pang pampublikong lugar.
Sa kabila nito ay inaasahan naman na magbibigay ng kaunting pag-asa ang US Congress sa oras na matanggap na nila ang kopya ng $2 trillion emergency aid proposal na kalulusot lamang sa senado.
Nakakuha ng 96-0 votes ang coronavirus stimulus package mula sa mga senador pero una nang nagpahayag si US President Donald Trump na handa itong pirmahan ang naturang panukala.
Ito’s matapos mahigitan ng Amerika ang iba pang bansa sa buong mundo na mayroong pinaka-malaking bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-10
Mayroon nang 82,174 confirmed cases sa US habang 1,177 na ang namamatay.
Pumapangalawa na lamang dito ang China na mayroong 81,285 kumpirmadong kaso at 3,287 ang namatay.
Nagbigay naman ng mensahe si US Vice President Mike Pence sa publiko na panatilihin ang pagsunod sa mga inilabas na guidelines ng American government para hindi na kumalat pa ang virus.