-- Advertisements --

Nanawagan ngayon ang grupo ng mga magsasaka sa pamahalaan na kailangang mahigpit na ipatupad ang suggested retail price (SRP) sa asukal sa dahil sa mataas pa ring presyo nito sa merkado.

Ayon kay United Sugar Producers Federation of the Philippines president Manuel Lamata, kaya raw mataas ang presyo ngayon ng asukal sa merkado ay dahil pa rin sa hindi mahigpit na pagpapatupad ng SRP.

Aniya, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan ay sinasamantala ng ilang negosyante ang ganitong season para itaas ang presyo ng asukal dahil kayang-kaya itong bilhin ng mga consumers.

Kaya naman, nagpasaklolo na raw ang grupo ni Lamata kay House Speaker Martin Romualdez para matugunan ang naturang isyu.

Iginiit nitong dapat ay nasa P70 hanggang P75 lamang daw dapat ang presyo ngayon ng asukal hindi P80 hanggang P100.

Ito ay dahil ang farm gate price ng asukal ay P60 lamang.

Muli ring iginiit ni Lamata na sapat ang suplay ng asukal sa bansa at hindi na kailangang mag-import.

Kasunod na rin ito ng direktiba ng Department of Agriculture (DA) na mag-angkat ng 64,050 metric tons ng refined sugar dahil sa mataas na inflation.

At dahil na rin sa mataas na presyo ng asukal, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa DA na gumawa ng hakbang para mapanatili ang presyo ng asukal sa merkado.

Pero para kay Lamata, posibleng hindi raw na-inform nang maayos ang Pangulong Marcos kaugnay rito at hindi aware sa tunay na sitwasyon sa ground.