Mariing sumuporta ang isang sugar producers’ group sa plano ng gobyerno na mag-import ng 450,000 metric tons ng asukal ngayong taon.
Sinabi ni United Sugar Producers Federation (Unifed) President Manuel Lamata na ang mga iminungkahing buffer stock ay magpapababa ng speculation tungkol sa kakulangan ng asukal pagkatapos ng panahon ng paggawa ng refined sugar sa Hunyo.
Ngunit iginiit nito na dapat i-schedule ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang pagpapalabas ng mga imported na sweeteners, upang matiyak na hindi maaapektuhan ang mill-gate prices.
Dagdag ni Lamata, buo ang suporta ng kanilang pederasyon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mag-import ng refined sugar.
Kung matatandaan, sinabi ni Sugar Regulatory Administration Board Member at Planters’ Representative Pablo Luis Azcona na tinitingnan ng gobyerno ang pag-aangkat ng 450,000 metriko tonelada ng asukal para sa taong ito upang matiyak ang tuluy-tuloy na suplay.
Gayunpaman, tinutulan naman ng grupo ng mga magsasaka na Samahang Industriya ng Agrikultura sa pangunguna ni Executive Director Jayson Cainglet ang planong pag-angkat ng nasabing produkto.