KORONADAL CITY – Isinusulong sa ngayon ang pagkakaisa sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim sa South Central Mindanao matapos ang madugong pamomomba sa loob ng Dimaporo gymnasium sa Mindanao State University (MSU) Marawi na ikinasawi ng apat katao at ikinasugat naman ng higit apat-napung (40) iba pa.
Napag-alaman na isang “Force March” ang isinagawa ng kapulisan ng PNP PROBAR sa loob ng Mindanao State University- Marawi City Campus upang ipakita at isulong ang pagkakaisa o Unity sa pagitan ng Muslims at Christian laban sa “Evil of Terrorism” kasunod ng trahedyang sinapit ng mga studyante at sibilyan noong Linggo.
Pinangunahan ni PRO BAR Regional Director PBGEN Allan Cruz Nobleza ang isinagawang Force March kasabay ng pagdeploy ng karagdagang PNP Forces sa lugar upang tiyakin ang seguridad ng MSU Marawi City Campus habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP.
Maliban dito, binuo na rin ang bumuo na rin ng Special Investigation Task Group na siyang tumututok ngayon sa pag-usad ng imbestigasyon sa insidente.
Maging ang Armed Forces of the Philippines ay nakaantabay ngayon sa buong Mindanao sa posibilidad ng spill over ng kaguluhan matapos ang sunod-sunod na operasyon na isinagawa laban sa mga teroristang grupo na ikinamatay ng mga kasapi ng Maute-Isis terrorist group.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay BGen. Oriel Pangcog, commander ng 601st Brigade Philippine Army, katuwang sila ng PNP sa pagsiguro na mapanatili ang kapayapaan sa Mindanao lalo na ngayong darating na pasko at bagong taon at hindi nila hahayaan na mangyari pang muli ang pamomomba.
Patuloy din ang panawagan ng mga otoridad sa mga mamamayan na manatiling vigilante sa lahat ng pagkakataon.