DAVAO CITY – Nagpalabas na ng opisyal na pahayag ang University of Mindanao tungkol sa pagkakadawit ng kanilang mga estudyante sa naturang insidente.
Kinondena ng UM ang nangyaring initiaton na naghatid ng kahihiyan sa paaralan at pagluluksa sa naiwanang pamilya ng nasawing biktima.
Kung maalala, kinumpirma ni Davao City Police Office Spokesperson Police Major Maria Teresita Gaspan na isang 19 anyos na college student ang nasawi matapos sumailalim sa isang initiation rites na hazing ng Alpha Kappa Rho, Alpha Delta Chapter fraternity group.
Nakita sa Purok Sto. Niño, Sison Village, Upper Mandug, Buhangin, Davao City, ang bangkay ni August Ceazar Saplot, 19-anyos, graduating Criminology student.
Agad namang nahuli ng kapulisan ang anim na mga myembro ng fraternity group na kinilalang sina Jeremiah Moya; Leji Wensdy Quibuyen; John Lloyd Sumagang; Harold Joshua Flauta; John Steven Silvosa; Ramel John Gamo; Gilbert Asoy, Jr; at Roseller Gaentano.
Habang pinaghahanap pa ng kapulisan ang iba pang anim nilang mga kasamahan sa fraternity na pinaghihinalaang nakatakas matapos maisumbong sa mga otoridad.
Matagal nang ipinagbabawal ang mga fraternities na nagsasagawa ng initiation rites sa buong unibersidad alinsunod na din sa Republic Act 8049 o Anti-Hazing Law.
Kinumpirma din ng UM na walang anumang koneksyon ang Alpha Kappa Rho, Alpha Delta Chapter sa kanilang insititusyon, pati na rin ang kanilang paglulunsad ng initiation rites sa labas ng university premises.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang UM sa naiwang pamilya ng kanilang estudyante at tinitiyak din ang kanilang kooperasyon sa mga otoridad para sa agarang hustisya at pagpaparusa sa mga nasasangkot.