Siniguro ni University of the Philippines (UP) President Angelo Jimenez ang kaligtasan ng mga researchers na ipinapadala nito sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng tumitinding tensyon sa naturang karagatan.
Ayon kay Jimenez, may mga nakalatag na safety protocols para sa mga researchers sa WPS, upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Tinitiyak ng UP administration na ang mga ginagawang pagsasaliksik ng unibersidad sa WPS ay pawang ‘civillian in nature’ lamang.
Ayon kay Jimenez, ang kaligtasan ng kanilang mga mananaliksik ay ang pangunahing concern ng UP at hindi aniya nito hahayaan na maisasakripisyo ang kahit sinuman sa kanila.
Kasabay nito ay nangako rin ang opisyal ng mas malawak na pagsasaliksik, hindi lamang sa tubig kungdi maging sa ibabaw at mismong seabed ng karagatan.
Noong March 2024, una nang sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na dumanas ng harassment ang ilang mga researchers ng UP Institute of Biology at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagsasagawa ng pagsasaliksik sa Sandy Cay.