-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Bilang pagtugon na maging positibong salita ang ASF o African Swine Fever, pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng Kabacan Cotabato ang programang UnladKabacan-Assistance to Swine Farmers o ASF.

Sa mensaheng pinaabot ni Kabacan Mayor Herlo P. Guzman, Jr. kay ABC President Evangeline Pascua-Guzman, tinukoy nito ang positibong pagtugon ng bawat magbababoy na buksan ang kaisipan na tanging depopulation lamang ang sagot upang mawaksan ang ASF sa bayan.

Patuloy naman ang paghikayat ni ABC President Gelyn Guzman sa mga magbababoy na pasok sa red zone o ASF Positive Barangay na kung maaari ay huwag munang mag-alaga ng baboy at antayin ang atas ng Department of Agriculture upang madaling mawaksan ang ASF.

Humingi rin ito ng patawad sa mga magbababoy na napinsala ng ASF.

Siniguro naman ni Vice Mayor Myra Dulay-Bade ang suporta ng lehislatibo sa ehekutibo upang maisagawa ang mga programa ng maayus at mabilis.

Samantala, abot sa 1,282,000php ang tinanggap ng 57 na magsasakang apektado ng ASF at hindi pasok sa insurance program ng Philippine Crop Insurance Corporation.