ROXAS CITY – Matapos ang halos apat na taon, matitikman na ulit ng mga Capiznon at mga bisita ang mga iba’t-ibang luto ng seafood, sa gagawing Surambaw Seafood festival, na bahagi ng pagdiriwang ng Capiztahan 2023, dito sa lalawigan ng Capiz.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ms. Toni Marie Del Rosario, General Manager ng Espacio Verde resort at miyembro ng Association of Resorts, Restaurants and Hotels of Capiz (ARRHC), na organizer ng nasabing aktibidad, sinabi nito na sold out na ang 500 tickets na kanilang ipinalabas, at nagdagdag na rin sila ng 100 tickets dahil narin sa hiling ng mga gusto pang pumunta.
Matitikman ng mga bisita ang iba’t-ibang luto ng seafood kagaya ng alimango, kalampay, hipon, pusit, boneless smoke bangus, talaba, scallops, tahong, baby shrimps, mga seaweeds at marami pa.
Sa halagang P599 ay paniguradong sulit na ito sa mga bisita, at muli ring masasaksihan ang ipinagmamalaking “Surambaw” o bundok-bundok na mga seafood.
Sinasabing layunin ng Surambaw Seafood festival na mapanatiling buhay sa buong bansa ang Seafood Capital of the Philippines, na Roxas City, Capiz.
Matandaang huling isinagawa ang Seafood festival noong Capiztahan 2019.