Nakakaalarma at isa umanong “unnecessary show of force” ang ginawang pagbiyahe ng nasa 250 MNLF members patungong Buluan sa Maguindanao.
Ito ang pahayag ni Western Mindanao Command (Wesmincom) commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana matapos maharang sa isang military checkpoint ang mga MNLF members sa pamumuno ng isang Gaimaludin Gulam, MNLF chief board command.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Sobejana kaniyang sinabi ang ginawa ng MNLF ay hindi nakakatulong sa peace and order lalo na ngayon mataas ang banta sa seguridad partikular ang mga insidente ng bombing kaya hindi dapat payagan ang ganitong mga hakbang.
Ayon sa heneral, dapat may koordinasyon ang MNLF leadership sa mga otoridad bago sila bumiyahe at lumabas ng kanilang kampo o komunidad.
Ipinaliwanag ng mga sundalo ang umiiral na protocol at naintindihan naman ito ng mga MNLF members kaya hindi na sila umalma nang harangin sila sa isang military checkpoint at kinumpiska ang kanilang mga armas na walang lisensiya.
Nasa 37 unlicensed na mga highpowered firearms ang kinumpiska ng mga sundalo bukod pa sa mga low-powered firearms na mga handguns at shotgun.
Giit ni Sobejana hindi na nila ibabalik sa MNLF ang mga nakumpiskang mga armas.
Tiniyak ng heneral na hindi na mauulit pa ang ganitong insidente dahil nakipag-ugnayan mismo ang militar sa liderato ng MNLF.
Matapos ang isang dayalogo pinakawalan din ng militar ang nasa halos 250 MNLF fighters matapos ang isinagawang dialogue.
“Dapat may coordination, ang understanding namin sa ground hindi sila pwedeng lumabas ng kanilang kampo na armado at naka uniporme but they are authorized naman to bear arms sa loob ng kanilang camps, the moment that they go out from their respective communities dapat naka civilian at saka walang baril noong makita natin na nasa Buluan agad natin dinisarmahan,” pahayag pa ni Sobejana sa Bombo Radyo.