Maaaring gamitin ang unprogrammed funds sakaling hindi sapat ang inilaang pondo para sa relief operations para sa mga biktima ng bagyong Kristine ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman.
Sa Palace situation briefing nitong Biyernes, tiniyak din ni Sec. Pangandaman kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa mga miyembro ng Gabinete na hindi matitinag ang DBM sa commitment sa pagbibigay ng mga pondo para sa mga ahensiya na nangangailangan ng suporta o programang nakapokus sa agarang disaster response at rehabilitation.
Ayon sa kalihim, may nakabinbing request para sa DBM para maglabas ng Special Allotment Release Order (SARO) para ilaan ang available na NDRRMF funds para sa replenishment ng Quick Response Fund (QRF).
Kabilang na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na humihiling ng P1 billion habang ang Philippine National Police at Office of the Civil Defense ay mayroon ding request na karagdagang P25 million at P37.5 million.
Samantala, iniulat din ni Budget Sec. Pangandaman na mayroon pang mahigit P3 billion ang DepEd na magagamit para sa pagkumpuni sa mga nasirang gusali sa mga paaralan dahil sa bagyo.
Mayroon ding mahigit P1.5 billion na maggamit para sa disaster response. Maaari din aniyang magamit ang Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) para suportahan ang disaster risk management activities, kabilang ang pre-disaster preparedness programs, at post-disaster activities at para sa pagbabayad ng premiums sa calamity insurance.
Awtorisado din aniyang gamitin ng lahat ng government department, bureaus at offices ang portion ng kanilang appropriations para ipatupad ang mga proyekto na idinisenyo para sa pagtugon sa kalamidad.
Ang isa pang source na maaaring magamit ay ang Contingent fund na may balance na P10.33 billion.