-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nababahala ang mga environmental advocates sa isla ng Boracay dahil sa unti-unting pagguho ng lupa partikular sa beach area.

Kaugnay nito, nanawagan si Elena Tusco-Brugger, advisory council chairperson ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI-Boracay) na kailangang magsagawa ng agarang aksyon ang gobyerno.

Aniya, magagawa lamang ito kung babalikan ang isinagawang pag-aaral ng mga eksperto ukol sa problema sa beach erosion.

Dagdag pa ni Brugger na hindi lamang ito dala ng natural phenomenon kundi may kontribusyon din ang pagpapabaya ng mga tao.

Una kasi itong napansin noong 2008 hanggang 2009 partikular sa pagtama ng Bagyong Frank kung saan, hanggang sa ngayon ay hindi nakabawi ang Sitio Diniwid.

Pinaniniwalaan na dahil sa carrying capacity sa pagdami ng mga buildings at kabiguan ng ilang resort owners na makasunod sa 25+5 meter easement rule mula sa beach front ang ilan sa mga itinuturong dahilan ng problema.

Umapela din si Brugger sa LGU-Malay na mas pang higpitan ang pagpapatupad ng mga batas upang mabigyang proteksyon ang isla mula sa epekto ng beach erosion.

Maalalang batay sa pag-aaral ng Coastal Ecosystem Conservation and Adaptive Management (CECAM) na kinabibilangan ng mga siyentipiko mula sa Tokyo Institute of Technology at University of the Philippines na namemeligro ang ipinagmamalaking puti at pinong buhangin sa Boracay kung lubusang masira ang mga corals sa paligid nito.

Isa sa mga nakakasira sa coral reef ay ang anchor damage ng mga iresponsableng boatmen at ang kaliwa’t kanang pagpapatayo ng mga buildings lalo na sa mga itinuturing na environmentally critical area.