-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Isinagawa na ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) at ng National Quincentennial Committee (NQC) ang pagpapasinaya sa historical markers sa Guiuan, Eastern Samar na unang dinaanan ni Ferdinand Magellan sa kanyang naging ekspedisyon noong nakaraang limandaang taon.

Ang Suluan Quincentennial Marker ay binuksan sa isla ng Suluan sa Guiuan, Eastern Samar bilang marka ng 500th anniversary first circumnavigation of the world noong Marso 16, 1521.

Ang naturang pagtitipon ay kasabay rin ng pagdating ng Spanish Navy training ship na Juan Sebastian Elcano sa kadagatan ng Pilipinas.

Ang pangalan ng nasabing barko ay hango sa kapitan ng Armada de Maluco o mas kilala bilang Magellan-Elcano expedition.

Kasama ng Elcano ang barko ng Philippine Navy BRP Apolinario Mabini sa Manicani Island sa Guiuan Eastern Samar para sa isinagawang fluvial parade na tinawag nilang “Encuentro.”

Ang naturang Spanish tall ship ay lalahok din sa isa pang unveiling ng historical marker sa Homonhon Island sa Guiuan ngayong araw bago ito maglayag patungong Cebu sa Marso 20.

Samantala, isa sa mga dumalo sa naturang pag-unveil ng historical marker sa Guiuan ang Ambassador of Spain to the Philippines na si Jorge Moragas Sanchez, kung saan ipinahayag nito na isang magandang oportunidad ang pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo ng Magellan-Elcano first circumnavigation of the world upang mas lalo pang palakasin ang relasyon ng Pilipinas at Espanya.

Ayon sa kanya ang expedition limang daang taon na ang nakakaraan ay hindi lamang isang trade mission kundi nagbigay daan rin ito sa mas malalim na pagkakaibigan ng dalawang bansa.

Umaasa ang Espanya na mas magiging matibay pa ang connection nila sa Pilipinas sa pamamagitan ng relihiyon, diplomasya at pakikipagkalakan.

Ang pagtulong daw ng mga Pilipino noon sa mga nagugutom na na mga Spanish explorer na unang naglayag sa Pacific Ocean ay isang simbolo ng pagiging palakaibigan ng mga Pinoy sa ibang lahi.

Umaasa naman ang naturang opisyal na magsisilbing inspirasyon ang magandang istorya ng Pilipinas at Espanya sa nakaraan upang mas lalo pang pagtibayin ang relasyon ng dalwang bansa sa darating na 500 taon.

Nabatid na 34 mga historical markers ang nakatakdang buksan sa Visayas, Palawan, at Mindanao mula kahapon hanggang October 28 ngayong taon bilang bahagi ng quincentennial celebrations.