Pinangunahan nitong araw ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Art Tugade ang unveiling ng una at at pinakamahabang electric multiple unit train set sa bansa na gagamitin para sa PNR Clark Phase 1 (Tutuban-Malolos) station.
Ayon kay Tugade ang ang Electric Multiple Unit (EMU) ay mayroong 8-car train formation at may habang 160 meters at kakayanin nitong makapagserbisyo sa 2,228 pasahero kada train set.
Tatakbo rin ito sa bilis na 120 kph, kaya tiyak ang seamless, hassle-free, at efficient na biyahe.
Dagdag pa ni Tugade, mas mahaba ito kaysa sa mga tren ng LRT-1, LRT-2, MRT-3 at MRT-7, at mas mahaba rin kaysa sa Inka Diesel-Electric Multiple Unit (DEMU) at Inka Locomotive train sets ng PNR.
Matatandaang ang unang train set na ito para sa proyekto ay dumating sa Port of Manila noong November 20, 2021, at nai-deliver sa Malanday Depot sa Valenzuela noong ng Disyembre 8, 2021.
Dumaan at nakapasa ito sa Factory Acceptance Test sa J-TREC Factory sa Japan ang trainset noong Oktubre 2021, bago ito mai-deliver sa bansa.
Sa oras na maging operational ang PNR Clark Phase 1, magiging 35 minuto na lamang ang biyahe mula at patungong Malolos, Bulacan, at Tutuban, Manila, mula sa kasalukuyang isang oras at 30 minuto.
Nasa 300,000 pasahero ang inaasahang maseserbisyuhan nito.