Pinaalalahanan ni Albay Rep. Edcel Lagman ang House Committee on Legislative Franchises na huwag ihinto ang pagdinig sa mga panukalang batas para sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Ito ay kasunod na rin nang paghahain ng Office of the Solicitor General (OSG) ng quo warranto petition, ilang linggo bago mapaso ang prangkisa ng naturang media giant.
Sa ngayon, walong panukalang batas para sa franchise renewal ng ABS-CBN ang pending sa House Committee on Legislative Franchises.
Igiiit ni Lagman na dapat panatilihin ng komite ang independence nito mula sa Ehekutibo at Judicial departments, lalo pa at wala pa namang pinal na desisyon sa quo warranto petition na inihain ng OSG.
Para sa kongresista, “unwarranted and misplaced” ang naging hakbang ng OSG dahil kung tutuusin ay wala naman itong karapatan para manghimasok sa issue sa prangkisa ng ABS-CBN.
Sa Senado, dumistansya muna si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa inihaing quo warranto petition ni Calida.
Ayon kay Sotto, hindi siya maaring makapagbigay ng komento sa isyu dahil dadaan sa Senado ang naturang usapin kung saan sila rin ang magdedesisyon kung ikakansela ang prangkisa o hindi.
Iginiit ng opisyal na kanya na lamang irereserba ang kanyang opinyon at komento ukol sa isyu ng prangkisa sakaling umakyat na ito sa Senado.