-- Advertisements --

Nakiisa na rin ang University of the Philippines (UP) Mindanao sa panawagang hustisya ng nakararami para sa pagkamatay ng 23-anyos na flight attendant na si Christine Dacera.

Sa isang pahayag ay nagpaabot ang unibersidad ng pakikiramay sa naiwang pamilya ni Dacera.

Hinihikayat din nito ang mga otoridad na imbestigahang mabuti ang krimen at siguruhin na mabibigay ang hustisya para sa biktima.

Si Dacera ay nagtapos ng kursong Bachelor of Communication Arts sa UP Mindanao. Natagpuan itong patay sa bath tub ng kaniyang tinutuluyang hotel room sa Makati City noong Enero 1 matapos dumalo sa isang overnight party.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang umano’y tatlong suspek sa krimen at nahaharap sila ngayon sa kasong rape with homicide. Siyam naman ang patuloy pang hinahanap ng mga otoridad.

Sa ngayon ay hindi pa naglalabas ng pahayag ang City Garden Grand Hotel kung saan tumuloy ang grupo nila Dacera upang salubungin ang bagong taon.