Inanunsyo ng University of the Philippines (UP) ang pagpanaw ng dating dean ng UP Asian Center dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Batay sa UPD-Bulletin-2020-7, binawian ng buhay si Dr. Aileen S.P. Baviera kaninang alas-3:55 ng madaling araw, habang siya ay naka-confine sa San Lazaro Hospital sa lungsod ng Maynila.
Lumabas sa pagsusuri na malubhang pneumonia na sanhi ng COVID-19 ang naging sanhi ng pagkamatay ng dating UP official.
Kaugnay nito, marami ang nagpa-abot ng pakikiramay sa mga naulila ni Baviera.
“UPD-Bulletin-2020-7: Ikinalulungkot naming ipaalam sa inyo na si Dr. Aileen S.P. Baviera ay pumanaw ngayong araw, Marso 21, 3:55 n.u., sa San Lazaro Hospital dahil sa malubhang pneumonia sanhi ng COVID-19. Ipinaaabot namin ang aming dasal at pakikiramay sa kanyang pamilya,” saad ng abiso mula sa UP.
Matatandaang si Baviera ay nakilala dahil sa kaniyang mga pag-aaral ukol sa West Philippine Sea at foreign policy noong kasagsagan ng mga problema sa pinag-aagawang parte ng South China Sea.