LA UNION – Ipagpapatuloy ng Coast Guard District Northwestern Luzon (CGDNWL) na nakabase dito sa San Fernando City, La Union ang paghahanap sa pitong mangingisda mula Pangasinan na pumalaot noon pang nakaraang linggo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo La Union kay Commander LAUREL PAUL MARIANO ng Coast Guard District Northwestern Luzon, sinabi nito na nagsagawa na sila ng aerial surveillance at maritime patrol and search operation ngunit negatibo pa ang resulta.
Sinabi ni Lt/Col. Mariano na muling ipagpapatuloy ng kanilang BN Islander plane sa pagsasagawa ng aerial surveillance gayundin ang BRP Lapu-Lapu (MMOV-5001) para halughugin ang karagatan sa hilaga.
Bagamat mahigit nang isang linggo na nawawala ang mga mangingisda, positibo pa rin ang Coast Guard na buhay pa ang mga ito at maaring nagkaroon lamang ng problema sa sinakyan nilang fishing banca na FB Narem 2.
Una nang nag-report sa PCG-Pangasinan ang may-ari ng fishing banca na si Christine Macaraig, matapos mabigong makabalik ang pitong mangingisda kabilang ang Boat Captain na si Alberto Roldan, sa kanilang lugar sa Infanta noong Enero 14.
Ang mga nawawalang mangingisda ay kinabibilangan nina: Roderick Montemayor, Homar Maglantay, Ejay Dela Cruz, Jerome Maglantay, Larry Legaspi, at Jefferson Bernabe.