Hindi man nanalo ng medalya sa Olimpiyada panalo naman sa puso ng maraming nakapanood sa iba’t ibang dako ng mundo ang naging laban ni Margielyn Didal.
Sa pagtatapos ng finals sa women’s street skateboarding event sa Tokyo Olympics na ginanap sa Ariake Park, pumuwesto sa pang-pito ang Pinay.
Ang 22-anyos na Cebuana ay nakuha ang score na 7.52 sa skateboarding event debut sa Olympic Games.
Umabot sa walo ang umusad sa finals mula sa 20 mga atleta sa ginanap na preliminaries.
Napansin naman sa walong nag-qualify, siya lamang ang pinakamababang ranking na nasa pang-17 sa buong mundo.
Ang 12-anyos na si Momiji Nishiya ng Japan ang nakasungkit ng Olympic gold medal nang makatipon ng 15.26.
Sumegundo naman si Raysaa Leal ng Brazil, 13, para sa silver na may 14.64 at ang naka-bronze ay si Funa Nakayama ng Japan para sa kanyang 14.49.
Una rito, naging trending sa buong mundo si Didal nang ipakita niya na kahit sa gitna ng matinding pressure ay nakangiti pa rin ito at palakaibigan maging sa mga katunggali.
Marami tuly itong pinahanga maging ang mga dayuhang fans.
Sa preliminary heat ay nakuha ni Didal ang ika-anim na puwesto para mag-qualify sa finals.