-- Advertisements --

DAVAO CITY – Patuloy ngayon na tumataas ang bilang ng mga nagka-diarrhea sa Barangay Tulalian, lungsod sa Santo Tomas, Davao del Norte kung saan umabot na ito sa halos 300.

Ayon sa Municipal Health Office (MHO) ng lalawigan, nadagdagan ng 168 ang mga apektado ng diarrhea sa lugar.

Sa kasalukuyan, nasa 295 na ang bilang ng mga pasyente kung saan nasa 168 ang bagong nadagdag.

Sa nadagdag na bilang, dalawa nito ay mga bata na nasa 0 hanggang 11 months old, 24 ang 1 hanggang 5 anyos; 43 ang nasa edad 6 hanggang 15 anyos; 29 cases ang may edad 16 hanggang 25 anyos; 27 cases ang edad 26 hanggang 40 anyos at 48 cases sa may edad 40 anyos pataas.

Ayon pa kay Dr. June Lim, head ng Municipal Health Office ng Santo Tomas, dinala na sa ospital ang mga patuloy na nakaranas ng diarrhea.

Samantalang ang ibang mga residente ay takot naman na madala sa pagamutan dahil sa pangamba na ma-diagnose sila na may Covid-19.

Sa kasalukuyan, 15 ang dinala sa Metropolitan Community Hospital, walong pasyente sa Estela Medical Clinic, 15 sa Rivera Medical Center Inc., at 14 na mga pasyente ang na-admit sa Matutes Medical Clinic.

Ang ibang mga pasyente ay nananatili ngayon sa makeshift medical facility sa Barangay Tulalian Gym para matiyak na matutokan ang kanilang kondisyon.

Una ng ideklara ang diarrhea outbreak sa nasabing Barangay dahil sa dami ng mga residente na apektado.