-- Advertisements --

DAVAO CITY – Tiniyak ng lokal na pamahalaan na masasampahan ng kaso ang 14 na mga empleyado ng City Environment and Natural Resources (CENRO) matapos na nahuli ang mga ito na nagsagawa ng Christmas party kahapon kung saan mahigpit itong pinagbabawal dahil sa nagpapatuloy na pagtaas ngayon ng kaso ng Covid-19 sa lungsod.

Una ng sinabi ni Mayor Inday Sara Duterte-Carpio na bawal ang mga “secret parties” sa mga empleyado ng gobyerno dahil makokonsidera itong mass gatherings.

Matatandaan na ang mga nahuling empleyado ng CENRO ang nakasuot pa ng damit na may nakasulat na kampanya ng Davao laban sa Covid 18 na “stay at Home”.

Isinagawa ang raid sa motor pool sa Barangay Maa, nitong lungsod kung saan nakuha sa kanilang posisyon ang mga alak.

Sinasabing parehong nasa ilalim ng City Engineer’s Office ng lokal na pamahalaan ang mga nahuling empleyado.

Sa inilabas na Executive Order 59 ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ipinagbabawal nito ang pag-inom ng alak pati na ang pagbebenta nito sa publiko hanggang Disyembre 31 nitong taon.