Itu-turn over agad sa pamilya ang namatay na mangingisda sa West Philippine Sea na si Elpidio Lamban.
Matatandaang si Lamban ang naging subject ng pagresponde ng Brp Cabra (MRRV-4409), ngunit binuntutan pa ito ng barko ng China at hinarass.
Nabatid na sumama ang pakiramdam ng mangingisda habang ito ay nasa laot, partikular na sa area ng Calapacuan, Subic, Zambales.
Ito ay nasa layong 70 nautical miles mula sa pinakamalapit na land area kaya hindi agad nadala sa ospital.
Kaya minabuti na lang ng mga crew ng FB El Kapitan na itawag ito sa Philippine Coast Guard, kung saan agad naman silang sinaklolohan.
Sa ngayon, pinoproseso na ng Coast Guard Station (CGS) Zambales ang paghahanda para sa iba pang serbisyong nauukol sa pumanaw na mangingisda, pati na ang pamilya nito na inaasahang sasalubong sa labi.