BAGUIO CITY – Hindi muna tatanggap ang Baguio City ng mga turista mula sa mga COVID-19 high risk areas ng NCR at ilang lugar sa Region 3 at Region 4.
Paliwanag ni Mayor Benjamin Magalong, bahagi ito ng pagsunod ng Baguio sa bagong resolusyon ng National IATF.
Aniya, aabot sa 70 percent ng mga turista ng Baguio ang naggagaling sa mga nasabing lugar ang mababawas sa tourist arrival ng lungsod, lalo na sa nalalapit na Semana Santa.
Maliban dito, sinabi naman ni City Tourism Legal Counsel Atty. Perlita Rondez na lilimitahang muli ng hanggang 3,000 turista kada araw ang papapasukin ng Baguio.
Paliwanag niya, mula ng ipatupad ang uniform travel protocol ng National IATF kung saan inalis ang travel authority, medical certificate at negative swab test result ay umabot sa 15,000 katao kada araw ang nagpaparehistro sa Baguio VIS.I.T.A. na online registration system para sa mga turista na gustong umakyat ng City of Pines.
Aniya, dahil dito ay nahirapan ang mga personnel ng City Tourism Office na pangasiwaan ang nasabing visita app na dahilan para magdesisyon sila na limitahan na lamang ang bilang ng mga turistang papayagang makapasok ng Baguio.
Dinagdag niya na ibinalik ng Baguio LGU ang requirement na negative COVID-19 test sa mga turista dahil ilan sa mga turistang isinailalim sa swab test nang makarating ng Baguio ang nagpositibo sa COVID-19.
Aniya, sa record nila noong March 19 ay 12 mula sa 670 na mga turistang dumating ng Baguio at isinailalim sa antigen test ang nagpositibo sa COVID-19.