VIGAN CITY – Blangko pa rin ang mga otoridad sa nangyaring pamamaril-patay sa isang dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) noong January 5 sa Barangay Poblacion Oeste, Sta. Cruz, Ilocos Sur.
Ito ay dahil sa ayaw umano ng pamilya ng biktimang si Alex Lagmay, 45-anyos na residente ng nasabing lugar na magbigay ng kahit anong impormasyon hinggil sa nasabing krimen, base sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan kay Police Captain Roger Baling-oay, hepe ng Sta. Cruz municipal police station.
Sa kabila nito, tiniyak ni Baling-oay na hindi sila titigil hangga’t hindi sila nakakakuha ng lead na maaaring makatulong sa kanilang imbestigasyon sa nasabing krimen.
Ilan sa mga tinitingnang anggulo ng mga otoridad hinggil sa pangyayari ay posibleng mayroong kinalaman ito sa personal na buhay ng biktima at sa dati nitong trabaho bilang kasapi ng PNP.
Pauwi na sana ang biktima nang pagbabarilin ito ng mga hindi pa kilalang suspek kung saan nagtamo ito ng 10 tama ng pinaniniwalaang caliber 45 na pistola na siyang rason ng kaniyang kamatayan.