(Update) DAVAO CITY – Binigyang linaw ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio na matutuloy ang Christmas gift giving ngayong buwan ng Disyembre ngunit hindi na ito gagawin sa ancestral house ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Taal Bangkal sa lungsod bagkus ay ihahatid ang mga grocery packs sa 182 na mga barangay sa lungsod.
Ayon sa alkalde, layunin sa nasabing hakbang na maiwasan ang pagtipon ng mga tao sa lugar lalo na at aasahan na nasa 30,000 ang pupunta kung isasagawa ang aktibidad sa bahay ng Pangulo at baka hindi rin masunod ang health protocols.
Dagdag pa ni Mayor Inday, mga opisyal na lamang sa barangay ang mangunguna sa pagbibigay ng grocery packs sa kanilang mga residente.
Simula umano sa Disyembre 17-22 ang pag-release o pagpapadala ng mga grocery packs sa mga barangay habang sa Disyembre 19 hanggang 23 sisimulan ang pagbibigay nito sa mga residente.
Nilinaw din ni Mayor Inday na hindi lahat ang makakatanggap dahil prayoridad nito ang mga mahihirap at hindi rin pareho ang dami ng mga grocery packs dahil pagbabasehan nito ang populasyon sa lugar.