BAGUIO CITY – Walang nakikita ang Baguio City Police Office (BCPO) na may nangyaring foul play sa pagkalunod ng isang plebo sa swimming pool ng Philippine Military Academy (PMA).
Sa panayam kay PCol. Allen Rae Co, director ng BCPO, sinabi niya na batay sa video footage ng CCTV camera ay wala silang nakikitang foul play sa nangyari kay Cadet 4th Class Mario Telan Jr., tanghali kahapon.
Aniya, tinitignan nila ngayon ang anggulong may naging negligence o criminal liability sa bahagi ng mga swimming instructors dahil sa hindi pag-institute ng mga ito ng necessary safety protocols habang nagka-klase ang mga ito.
Iniimbestigahan din ng pulisya ang mga kadete na dapat sana ay mag-a-account sa mga kasamahang kadete matapos ang klase o aktibidad.
Sinabi ni Co na patuloy ang pagkolekta nila ng lahat ng mga datus at pag-aaral nila sa mga kuha ng security camera footages habang hinihintay nila ang resulta ng otopsiya sa bangkay.
Aniya, pinapa-trace pa nila ang previous perfomance ni Telan sa mga naunang swimming lesson ng mga ito dahil napag-alaman na weak swimmer ang nasawing kadete.
Dinagdag pa ni Co na 23 ang bilang ng mga kadeteng isinailalim sa briefing bago ang aktibidad ngunit naging 22 na lamang ang mga ito matapos ang aktibidad.
Maaalalang sa class formation pa para sa tanghalian nadiskobre na nawawala si Telan hanggang sa natagpuan na lamang ang bangkay nito sa ilalim ng pool.