Ikinalugod ng Peruvian government na walang namatay sa naganap na 7.2 magnitude na lindol kahapon.
Batay sa pahayag ni Peru Prime Minister, Gustavo Adrianzen, lumalabas sa preliminary reports na walang namatay at wala ring napaulat na natabunan o nawawala kasunod ng napakalakas na lindol.
Gayonpaman, mayroon aniyang walong nasugatan. Lima sa kanila ay dinala na sa ospital at patuloy na nagpapagaling habang ang tatlong nalalabi ay nagtamo lamang ng mga minor injuries at nilapatan na ng paunang lunas.
Ang limang nasugatan at ginagamot sa ospital ay pawang nasa Ica Region ng Peru.
Patuloy din aniyang nakatutok ang pamahalaan sa naging impact ng lindol sa imprastraktura kung saan kapansin-pansin aniya ang mga building at kalsadang nagkabitak at may mga bahagyang gumuho.
Maalalang nangyari kahapon ang 7.2 magnitude na lindol sa bansang Peru kung saan inisyal na naglabas ng tsunami alert ang Pacific Tsunami Warning Center (PTWC) ngunit kinalaunan ay tuluyan din itong tinanggal.