ROXAS CITY – Tututukan umano ng militar ang upland areas ng Western Visayas kaugnay ng nalalapit na May 13 midterm election.
Ito ang inanunsyo ni Lt. Col. Joel Benedict Batara, commanding officer ng 61st Infantry Battalion ng Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Roxas.
Ayon sa opisyal may reports silang natanggap patungkol sa presensiya ng mga rebelde sa ilang bayan sa lalawigan ng Capiz maging sa iba pang lalawigan sa Western Visayas.
Dahil dito ay kanila pa raw paiigtingin ang kanilang monitoring at sisiguraduhing magiging mapayapa ang nalalapit na eleksiyon.
Inihayag ni Lt. Col. Batara na may deployment sila sa lahat ng mga polling precincts lalo na sa mga upland areas.
Nanawagan rin ito sa publiko na kaagad makipag-ugnayan sa mga otoridad sakaling may makita ang mga itong mga kahina-hinalang indibidwal o grupo sa kanilang lugar.