DAGUPAN CITY-Nangako ang Urdaneta City Pnp na mas paiigtingin pa nila ang pagtugis at pagpuksa sa mga nagbebenta ng illegal na droga partikular na ang marijuana.
Ito’y matapos ang insidente ng sunod sunod na pagkahuli nila sa mga kabataan at estudyante na nagbebenta nito sa lugar na kanilang nasasakupan.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Lt. Col John Guiagui, Chief of Police ng Urdante City Pnp sinabi nito na bagama’t unti unti ng nababawasan ang bilang ng mga indibidwal na nasasangkot sa usapin ng shabu, ay ganoon naman umano ang idinadami ng kanilang naitalang marijuana cases.
Ang masaklap pa aniya, pawang mga kabataan at estudyante na may edad bente pataas ang karamihan sa kanilang nahuhuli.
Nasa katergorya din umano ng ‘newly identified drug personalities’ ang mga ito, kung saan napag alaman na ang iba sa kanila ay mga mag aaral ng isang sikat na unibersidad sa naturang syudad, habang ang iba naman ay mga out-of-school-youth OSY.
Kaugnay nito, inihayag ni Guiagi na mas tututukan at aaksyunan nila ang insidente na may kinalaman sa pagbebenta ng iligal na marijuana.
Pinayuhan din nito ang mga magulang na kung maaari ay bantayan at alamin ang ginagawa ng kani-kanilang mga anak upang upang hindi mapariwara ang mga ito.