-- Advertisements --

CEBU CITY – Nagdeklara na ng outbreak ang Provincial Environment and Natural Resorces Office (PENRO) sa probinsya ng Cebu dahil sa pagdami ng crown-of-thorns starfish.

Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) head Baltazar Tribunalo Jr., umabot na sa 50 marine protected areas ang apektado ng patuloy na pagdami ng nasabing uri ng starfish dahil sa nararanasang init ng panahon.

Ipinaliwanag ni Tribunalo na dumadami ang mga crown-of-thorns starfish sa panahon ng tag-init kung saan ay gagapang ito sa mga corals at sisipsipin ang kanilang katas hanggang sa mamatay.

Sa oras na mamatay ang mga corals, wala namang makakain at matitirhan ang mga isda.

Bunsod nito, nakatakdang magsagawa ng clean-up drive ang PDRRMO at Provincial Environment and Natural Resources Office para kunin ang nasabing mga starfish.

Gayunman, nanawagan din si Tribunalo sa mga divers na mag-organisa rin ng kanilang grupo para sumali sa kanilang aktibidad.

Mayroon din umanong “pay cash program” kung saan babayaran sila ng probinsya sa pagkuha ng nasabing sea creature.

Ang mga lugar na apektado ng nasabing outbreak ay ang isla ng Camotes, Bantayan, Alegria, Tabogon, Moalboal at iba pa.