Naglunsad ng raid ang US immigration agents sa Newark, New Jersey worksite nitong Huwebes, Enero 23 oras sa Amerika, sa gitna ng crackdown ng Trump administration sa illegal immigrants sa Amerika.
Sa isang statement, sinabi ni Newark Mayor Ras Baraka, nabigo ang Immigration and Customs Enforcement (ICE) agents na makapag-presenta ng warrant kasabay ng kanilang pagkulong sa mga hindi dokumentadong residente at mga mamamayan sa ikinasang raid sa isang business establishment na Ocean Seafood depot sa Newark, sa labas ng New York City.
Isa aniya sa mga detainee o ikinulong ay isang US military veteran na dumanas ng indignidad matapos kwestyunin ang pagiging lehitimo ng kaniyang military documentation.
Sa isang statement naman sinabi ng tagapagsalita ng Immigration and Customs Enforcement na kanila ng iniimbestigahan ang naturang insidente.
Subalit ayon kay Mayor Baraka, nilabag ng inilunsad na raid ang mga karapatan ng mga mamamayan sa ilalim ng US Constitution.
Samantala, iniulat naman ni White House spokesperson Karolin Leavitt na nasa 538 katao na ang naaresto ng Trump administration nitong Huwebes na inilarawan bilang illegal immigrant criminals.
Aniya, kasama sa mga nadakip ang mga miyembro ng Venezuelan prison gang at mga indibidwal na convicted sa sex crimes.