-- Advertisements --

Pumalo na sa $8 million o katumbas ng mahigit P471 million ang kabuuang tulong na ibinigay ng Amerika para sa mga Pilipinong matinding sinalanta ng malalakas na bagyo sa bansa ngayong taon.

Una na sinabi ng United States Agency for International Development (USAID), maliban sa $1 milyong karagdagang humanitarian assistance na inanunsiyo ni US Defense Secretary Lloyd Austin III sa kaniyang pagbisita sa bansa ngayong linggo, nakapagbigay na ang Amerika ng lagpas $7 million na halaga ng typhoon-related aid para sa Pilipinas.

Ang pinakabagong tulong ay ilalaan para sa mga biktima ng Super Typhoon Pepito na nag-displace sa mga residente at nag-iwan ng pinsala sa mga mahahalagang imprastruktura at sa sektor ng agrikultura.

Ikinalungkot naman ng USAID na naapektuhan ang mahigit 2 milyong katao sa pinagsamang epekto ng mga bagyong Nika, Ofel at Pepito na nagdulot ng malawang baha at landslide sa mga nakalipas na linggo.

Kaugnay nito, sinabi ng US agency na makakatulong ang naturang pondo para matugunan ang mga agarang pangangailangan ng mga vulnerable communities sa pamamagitan ng pagbibigay ng emergency shelter, tubig, sanitation at hygiene assistance at iba pang mahahalagang relief supplies.

Nanindigan din ang Amerika sa pagtulong sa mga mamamayan ng Pilipinas at nangakong tutulong sa vulnerable communities na maghanda at maging matatag sa harap ng mga kalamidad.