Nagkainitan ang mga kinatawan ng Estados Unidos at China sa United Nations (UN) Security Council meeting sa isyu nang pinag-aagawang mga isla at karagatan malapit sa West Philippines Sea.
Nagbabala si US Secretary of State Antony Blinken sa UN dahil daw sa gawain na “pangbu-bully” ng China.
Nangangamba si Blinken na ang ginagawang hakbang na ito ng China ay baka magdulot nang malaking problema na may “global consequences” sa usapin ng seguridad at komersiyo.
“Conflict in the South China Sea or in any ocean, would have serious global consequences for security, and for commerce,” ani Blinken sa Security Council meeting on maritime security. “We have seen dangerous encounters between vessels at sea and provocative actions to advance unlawful maritime claims.”
Dito na napikon ang Chinese deputy U.N. Ambassador na si Dai Bing at inakusahan ang Amerika na siyang nagdudulot ng probokasyon sa isang matahimik daw na lugar.
Buwelta pa nito, kung tutuusin daw ang Estados Unidos pa ang nagpadala ng advanced military vessels at aircraft carrier sa karagatan malapit sa West Philippines Sea upang pag-awayin daw ang magkakalapit na mga bansa.
“This country itself has become the biggest threat to peace and stability in the South China Sea,” pahayag pa ni Dai.
Kung maalala ang ginagawang pag-angkin ng China sa ilang bahagi ng mga isla at karagatan ay nagdulot ng iringan at tensiyon sa mga exclusive economic zones ng mga bansang Vietnam, Malaysia, Brunei, Indonesia at lalo na ng Pilipinas.