Muling umigting ang tensiyon sa South China Sea matapos halos magkasabay na nagsagawa ng military exercises ang magkaribal na Estados Unidos at China.
Habang ipinagdiriwang ng Amerika ang kanilang anibersaryo ng Independence Day, nagpakita naman ng puwersa militar ang kanilang US Navy nang sabay na i-deploy ang dalawang US Navy aircraft carriers.
Ayon sa US Navy statement, ang USS Nimitz at USS Ronald Reagan ay sabay na nagsagawa ng tactical exercises upang masubok ang kanilang air defense capabilities at long-range maritime strikes mula sa carrier-based aircraft.
Ang sanib-puwersa ng dalawang dambuhalang aircraft carrier ay tinawag na nasa ilalim ng Nimitz Carrier Strike Force na kauna-unang nangyari sa South China Sea mula taong 2014.
Ayon kay Lt. Cmdr. Sean Brophy, spokesperson ng USS Ronald Reagan, ang unang pangyayari na ginawa rin ito ay noong taong 2001.
Samantalang nagpapakitang gilas ang fighting force ng Amerika, hindi rin nagpahuli sa kanilang puwersa-armada ang Chinese People Liberation Army (PLA) Navy na umeksena rin ng limang araw na military drills sa paligid ng Paracel Islands, na inaangkin din ng bansang Vietnam at Taiwan.
Sa ulat naman ng Global Times, kamakailan lamang ang PLA ay nagsagawa rin ng “intensive drills” upang ma-testing ang bagong naval missile sa Bohai Sea bilang paghahanda sa pagdepensa sa anumang pag-atake.
Dumipensa naman ang US Navy sa kanilang hakbang dahil pagpapakita raw ito sa commitment ng Amerika para sa kalayaan ng mga bansa na mag-operate sa international waters na nakabatay sa umiiral na mga batas.