Nangako ang Pilipinas at Amerika na mamuhunan para sa rotational force posture sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) .
Ito ang kinumpirma ni Pentagon Press Secretary Major General Pat Ryder matapos ang naging pag-uusap nina PH Defense Sec. Gilbert Teodoro Jr. at US Secretary of Defense Lloyd Austin III sa pamamagitan ng phone call kasunod ng bayolenteng insidente sa Ayungin shoal noong Hunyo 17 kung saan naputulan ng hinlalaki ang isang Navy personnel sa panghaharass ng Chinese forces.
Sa isang official statement, sinabi ni Press Sec. Ryder na muli ding pinagtibay ng 2 opisyal ang commitment para sa pagpapalakas pa ng alyansa ng PH at US para suportahan ang kanilang shared vision para sa malaya at bukas na Indo-Pacific kabilang ang kooperasyon sa like-minded partners at bilateral initiatives para palakasin ang information sharing at pagpapahusay pa ng kapasidad ng Armed Forces of the Philippines.
Pinagtibay din ni Austin ang ironclad commitment ng Amerika sa PH matapos ang kamakailang mapanganib na aksiyon ng China laban sa mga tropa ng PH sa Ayungin.
Binigyang diin pa ni Sec. Austin ang patuloy na suporta ng US para sa PH sa pagdepensa ng ating sovereign rights at tinalakay din ng 2 opisyal ang kahalagahan ng pagpreserba ng mga karapatan ng lahat ng bansa sa pagpapalipad, paglalayag at pag-operate nang ligtas at responsable saan man na pinapahintulutan ng international law.