Hindi maipaliwanag ng bilyonaryong si Jared Isaacman ang kaniyang kasiyahan matapos na makumpleto niya ang kauna-unahang civilian spacewalk.
Ilang milyon ang ibinayad ng CEO ng payment processing company para sumakay sa SpaceX para sa Polaris Dawn mission.
Kasama niya sa pinakadelikadong space mission sina retiradong U.S. Air Force Lieutenant Colonel Scott Poteet, mga empleyado ng SpaceX na sina Sarah Gillis at Anna Menon.
Si Isaacman ay naging unang sibilyan na makaikot sa kalawakan sa taas ng 435 milya sa taas ng mundo.
Matapos ang paglakad ni Isaacman ay sumunod naman si Gillis na nagsagawa ng spacewalk.
Ang Polaris Dawn ay nagtala ng pinakamataas na umikot sa mundo habang sin Gillis at Anna Menon ay siyang unang mga babae na nakabiyahe sa pinakamalayo sa mundo.
Ito na rin ang pinakamalayong nabiyahe ng tao mula ng nagtapos ang Apollo program ng NASA noong 1972.
Pinuri naman ni NASA administrator Bill Nelson ang mga SpaceX at Polaris Program dahil sa ginawang kauna-unahang commercial spacewalks.
Taong 2021 ng nagbayad din si Isaacman para pondohan ang Inspiration4 flight ng SpaceX.
Magugunitang unang nagtungo sa kalawakan ang bilyonaryong si Richard Branson noong July 2021 lulan ng Virgin Galactic Unity 22 na sinundan ni Jeff Bezos matapos ang ilang araw lulan ng kaniyang Blue Origin NS-16.