Patuloy na binabantayan ng US ang umano’y natuklasan nitong alyansa at kolaborasyon sa pagitan ng China at Houthi rebels na nagbabantang sumira sa stability ng Red Sea.
Batay sa impormasyong inilabas ng ilang international news organization, nagpapalitan umano ang China at rebeldeng Houthi ng serbisyo at war materials sa pamamagitan ng kumplikado at patagong supply chain.
Sa ilalim ng naturang supply chain, pinapayagan umano ng mga rebelde ang pagdaaan ng mga barkong may Chinese flag kapalit ng mga Chinese-made weapon.
Ang naturang sistema ay binuo umano ng mga rebelde mula pa noong nagsimula ang mga sunod-sunod n apag-atake sa Red Sea. Sa pamamagitan nito ay nagagawa ng mga rebelde na makakuha ng mga advanced component para sa kanilang ballistic at cruise missile.
Batay pa sa US intelligence, pinaplano rin ng mga rebelde na gumawa ng daan-daang cruise missile na may kakayahang abutin ang mga bansa na nasa Persian gulf, gamit ang mga military component na nakuha mula sa China.
Bagaman hindi direktang itinuro ng US ang Chinese government na may pakana rito, maka-ilang ulit na umanong nakipag-ugnayan ang Washington sa Beijing upang ipaabot ito, kasama na ang mga kumpaniyang may kaugnayan sa naturang supply chain ngunit wala pa ring sagot dito ang Chinese government.