Inakusahan ng Estados Unidos ang China at Russia na umano’y nagsasabwatan para magpakalat ng maling naratibo kaugnay sa coronavirus pandemic.
Ayon kay Lea Gabrielle, coordinator ng Global Engagement Center ng US State Department, bago pa man daw ang COVID-19 crisis ay may nasuri na raw silang lebel ng koordinasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Mas umigting lamang daw aniya ito ngayong may hinaharap na problema sa coronavirus ang buong mundo.
“We see this convergence as a result of what we consider to be pragmatism between the two actors who want to shape public understanding of the COVID pandemic for their own purposes,” wika ni Gabrielle.
Una nang sinabi ng Global Engagement Center na libu-libong mga social media accounts na may kaugnayan sa Russia ang nagpapakalat ng mga conspiracies kaugnay sa COVID-19.
Kasama rin umano sa pinapakalat ng naturang mga social media users na gawa raw ng Estados Unidos ang virus na unang na-detect sa lungsod ng Wuhan, China.
Matatandaang nagalit ang Amerika sa China nang maglabas ng pahayag sa social media ang isang Chinese foreign ministry spokesman na dinala raw ng US military sa Wuhan ang coronavirus.
Kalaunan naman ay naayos naman ng dalawang bansa ang gusot matapos mag-usap sa telepono sina President Donald Trump at ang kanyang counterpart na si Xi Jinping. (AFP)