Naging matagumpay ang isinagawang search and rescue exercises sa pagitan ng U.S. Coast Guard and the Philippine Coast Guard sa West Phil Sea.
Isinagawa ang naturang pagsasanay sa katubigang sakop ng Lubang Islands sa Occidental Mindoro.
Naging bahagi rito ang USCGC Waesche at ang Teresa Magbanua-class patrol vessel na BRP Melchora Aquino.
Gumamit din ang mga coast guard ng ilang air assets para maisagawa ang naturang drill.
Kabilang sa pinag-aralan dito ay ang mga konsepto, doktrina, at sariling standard operating procedures na sinusunod ng bawat CG sa kani-kanilang mga operasyon.
Bahagi rin dito ang pagpapakita ng dalawang coast guard ng kanilang kapabilidad para tumugon sa mga maritime emergencies.
Sa naging pahayag naman ni Capt. Tyson Scofield, ang commanding officer ng Waesche, ang isinagawang drill ay bahagi ng pagnanais ng US na mapanatili ang malaya at bukas na Indo-Pacific Region.
Tiniyak din ng US CG official ang tuloy-tuloy na kolaborasyon sa PCG para sa pagpapatatag ng alyansa ng dalawa.
Ang naturang barko ay nasa ilalim ng pinakamalaking destroyer squadron ng US Navy na nagsisilbing pangunahing pwersa ng US 7th Fleet.