Umalma ngayon ang pamahalaan ng China sa serye ng mga panukalang batas na pinagtibay ng US Congress na sumusuporta sa mga Hong Kong protesters.
Sa statement ng Chinese Foreign Ministry, kanila umanong mariing kinokontra ang naturang mga panukala.
Nanawagan pa ang China sa mga mambabatas sa Amerika na tigilan na ang pakikialam sa kanilang semi-autonomous city.
Una rito, kabilang sa pinagtibay ng US House of Representatives ay ang babala na pagputol sa pagkilala sa Hong Kong na may special trading status kung hindi masertipikahan ng US State Department kada taon na ito ay gumagalang sa karapatang pantao at rule of law.
Ang pangalawang measure ay ang tinawag na Protect Hong Kong Act, na nagbabawal sa pagbebenta ng mga military at crowd-control items tulad ng teargas.
At pangatlo na inaprubahan ay ang pagkondena sa pakikialam ng Beijing sa kalakalaran sa Hong Kong at ang pagsuporta ng mga US congressmen sa mga nagpoprotesta.
Gayunman ang naturang mga panukalang ay walang basbas sa US government at kailangan pa ang pagsang-ayon dito ng US Senate.
Bilang reaksiyon pa, nagbanta ang China na tuluyang masisira ang relasyon nila sa Amerika kung magiging batas ang naturang mga panukala.