Pormal nang pinagtibay ngayon ng joint session ng Kongreso ng Amerika ang panalo noong November presidential elections nina President-elect Joe Biden at Vice President-elect Kamala Harris.
Ang deklarasyon sa panalo nina Biden ay ilang oras matapos ang madugong karahasan na paglusob ng mga supporters ni US President Donald Trump kaninang madaling araw sa US Capitol.
Ang vice president na si Mike Pence na tumatayo ring Senate president at kaalyado pa ni Trump ang nagdeklara na tapos na ang kanilang trabaho sa pagsertipika sa electoral votes na nakuha ni Biden at Kamala.
Huling binilang ng Kongreso ang tatlong electoral votes sa estado ng Vermont na siyang nagsara upang maabot ang magic-270 votes o threshold upang makuha ni Biden ang US presidency.
Ang kabuuang electoral votes ni Biden ay umabot sa 306 habang si Trump ay malayo naman sa 232.
Ibinasura na rin ng kanilang Senado at Kamara ang ilang mga pagtutol sa boto ng estado ng Georgia at Pennsylvania para sa electoral votes ni Biden.
Ilang Republicans ang tinutulan din ang Arizona, Nevada at Michigan electoral votes, pero nabigo ang mga mosyon bago pa man umabot sa debate.
“The announcement of the state of the vote by the President of the Senate shall be deemed a sufficient declaration of the persons elected president and vice president of the United States, each for the term beginning on the 20th day of January, 2021,” ani declaration ni Pence.
Una rito, ilang mga US senators ang bumaligtad na rin ng suporta sa kanilang kapartido na si Trump matapos ang kaguluhan sa Capitol.
Kabilang dito ang masugid na supporter ni Trump na si Sen. Lindsey Graham ng South Carolina, ang chairman ng Judiciary Committee.
Si Sen. Josh Hawley na haharangin sana ang mga boto ni Biden sa Pennsylvania ay hindi na raw niya ito gagawin at sa mga mail in votes na lang sa estado ng Arizona
Ang Republican senator na si Kelly Loeffler ng Georgia ay bumaligtad din laban kay Trump bunsod nang pag-atake ng mga supporters sa US Capitol.
Inamin naman ni Republican Sen. James Lankford na ang 11 pang mga senador na kasama niya ay aatras na rin sa pagtutol sa mga boto ni Biden sa isyu ng election audit.
Pinapurihan din ni dating US President Barack Obama ang mga kapartido ni Trump na kinontra na rin ang Presidente.
Para naman kay Democratic Senate Minority Leader Chuck Schumer, ang nasa likod daw ng naganap na riot at paglusob mismo sa loob ng session hall ng Kongreso ay mga “domestic terrorists” at ang mga “nag-alsa” ay dapat na parusahan.
“Those who performed today’s reprehensible acts were rioters, insurrectionists, thugs, domestic terrorists. They don’t represent America. They were violent extremists who tried to take over the Capitol. They must be prosecuted to the full extent. But tonight Democracy will triumph.”
Matapos naman ang formal affirmation ng Congress kina Biden at Kamala, naglabas na rin ng statement si Trump na nahiwatigan na nang pagsuko.
Tiniyak din nito ang pagkakaroon ng “orderly transition of power sa Jan. 20.”
“Even though I totally disagree with the outcome of the election, and the facts bear me out, nevertheless there will be an orderly transition on January 20th,” pahayag pa ni Trump sa statement. “I have always said we would continue our fight to ensure that only legal votes were counted. While this represents the end of the greatest first term in presidential history, it’s only the beginning of our fight to Make America Great Again.”