Nanawagan na si Florida Republican Sen. Marco Rubio sa kanilang gobyerno na gumanti sa mga dayuhang nasa likod ng malawakang cyberattack sa kanilang government agencies.
Una nang tinawag ng mga otoridad na “massive cyber security breach” ang nangyari sa mga top federal agencies ng Amerika.
Naniniwala rin ang dating presidential candidate na hindi lamang dapat sanctions ang ipataw sa mga bansang nasa likod ng pag-atake sa kanilang mga computers systems.
Sumang-ayon din si Rubio, ang acting chairman ng Senate Intelligence Committee, na ang naganap ay bahagi pa rin ng Russian cyber operations.
Gayunman ayon sa senador, dapat matukoy talaga kung sino ang nasa likod ng cyberattack para puntiryahin din sa gagawin nilang pagganti kung sakali.
Inihalintulad pa ni Sen. Rubio ang cyberattack na mistula na ring “an act of war.”
Bago ito ibinulgar ng Department of Homeland Security na ang nangyaring massive hacking sa Amerika ay nagsimula noon pang buwan ng Marso.
Matinding pagplano ng husto ang ginawa umano ng mga hackers dahil tinarget ang mga “critical infrastructure” ng Estados Unidos.